Thursday, October 25, 2007

FAITH...

Isang araw habang kaming lahat ay nasa hapag-kainan. Natanong ako ng mama ko:

mama: Anak, nagsisimba ka ba?
ako: hindi. nagdadasal ako.
mama: ?

Hindi nya yata na-get ang point ko. At tinawanan nya lamang ito kasabay ang mga kapatid ko, at binigyan nya ako ng "anak, naka-drugs ka ba" na tingin.

Sa bahay, may patakaran kami. kapag hindi nagsimba ang isa sa aming magkakapatid, lahat kami ay kailangang mag-rosaryo pag sumapit ang alas-sais ng gabi. Siguro, ginawa nila ang patakaran na ito para mapatapak nila ako sa bahay ng Diyos , kumanta ng mga kantang papuri, at mapakinggan ang "Salita ng Diyos".

Pero bigo sila. Hindi talaga ako lumalabas ng bahay kapag linggo. At hindi ako nagsisimba.

NAGDADASAL AKO.

Pinag-aral kami sa isang private catholic school. Ang mga section namin ay ipinangalan sa iba't-ibang Santo, at mga magagandang gawain (faith, hope, chorvaness). Meron kaming first friday mass, confession, mass attendance, recollection, feast day of saints, rosary month, immaculate concepcion, marian procession, at kada subject namin ay merong opening at closing prayer. Hinubog kami bilang mga bulilit na alagad ng panginoon. Kabisado ko ang Our Father, Hail Mary, Glory Be, Prayer before and after meal, Rosary (pwera sa mysteries na nalilito pa rin ako), at iba't-iba pa. Noong bata ako, kasali ako sa Legion of Mary. Ang mga post cards nina Mama Mary na may maliit na dedication sa likod ang nag-udyok sa aking sumali. Wala lang, para may mailagay sa notebook at maipagmalaki sa classmates. Kabisado ko ang mga kanta ng simbahan. Paborito ko nga yung "Kunin mo o diyos, at tanggapin mo....". Kilala ko sina Matthew, Mark, Peter, John, Paul, at si Mary Magdalene.

In short, banal talaga ako. Hindi lang talaga ako nagsisimba.

Madalas akong pagalitan dahil sa issue na ito. Bakit daw ako hindi nagsisimba. Ako pa daw ang naturingang babae, ako pa ang nalalayo sa diyos. At ang usapan na iyan ay mauuwi sa issueng wala na akong kwentang anak.

PAMBIHIRA.

Bakit nga ba hindi ako nagsisimba?

Maingay, Text ng text, paypay ng paypay, mga batang ngumangawa, mga lalaking nagyoyosi sa labas ng simbahan, mga mag-jowang naglalampungan habang nangangaral si Father. Mga lolang kala mo e ka-babanal dahil sa ang nakikita ng lahat ay pala-simba sya, pero pag nakalabas na ng simbahan ay kala mo kung sinong makamura ng pagkalutong-lutong, yung iba ay may kalaguyo pa. Mga paring gumagawa ng sariling issue, mga paring mas magaling mamulitika kaysa mangaral ng salita ng diyos. Yown.

Nagdadasal ako.

"Lord, musta na? Ingatan mo ko at ang pamilya ko ah. Wag mo sana kaming pabayaan ngayon. Sana wala saming magkasakit. Love you Lord! Wooh!"

"Sorry nga pala sa mga kasalanan ko, Lord. Sorry."

Dinadasal ko yan. Buong puso. Seryoso.

Hindi na kailangang sundan ang buong proseso ng misa para lang masambit ang mga bagay na iyan. Hindi ko na kailangang kumanta-kanta pa. Hindi ko na kailangang makipag-hawak kamay sa mga hindi ko kilala at makipag sabihan ng "peace be with you". Hindi ko na kailangang lumuhod at magkunwaring seryosong seryoso. Hindi ko na kailangang pumila para makakain ng oscha. At hindi ko rin kailangang magbigay ng pera. Kuripot kasi ako.

Isang meaningful at malamang prayer. Ayos na iyon. At masabi mong mahal mo ang dinadasalan mo. Ayos na iyon.

No comments: